Tutugon ako sa pamamagitan ng isang tula
na sa aki'y mga patutsada "nila",
sa mga akdang 'di kapatol-patol,
sa mga manunulat (?)... (?)
na tingin sa lahat ng mga mambabasa'y
inosesente, walang muwang at pulpol.
Itong yaring tugon ay 'di patol kundi isang pagtuturo,
pagmumulat dahil sila'y paurong,
mga tuta't alipin nitong panahong mapanghamon.
Umaasa ako mula sa pagkakaidlip sila'y babangon
sapagkat ang tuta hindi alam na siya'y tuta
at ang uring alipin dapat tumindig at makibaka.
Una, bilang "manunulat" tanggapin ang puna
dahil sa aking tula malamang sila'y imbiyerna.
Ngunit hindi uunlad ang talento
kung ikukulong ang sarili sa isang kahon
sapagkat ito'y magdudulot ng isang multong
nakapanghihilakbot gaya ng kanilang talento na tila'y ugong!
Ikalawa, alamin na malinaw sa sarili ang nais ipabasa
siguraduhing saklaw sa isyu at argumento ang akda.
Magsiyasat ng maigi bago gumawa ng anumang lathala
kung ito'y hindi ginawa, mag-ingat sa pananalita
baka matuklasan ng mambabasa kayo'y tanga
tandaan ang 'di nagsiyasat, 'wag sumatsat!
Ikatlo, tiyaking akda'y maiintindihan ng mga mambabasa
'wag umasa na ito'y matatamasa kung baluktot
ang pagsasaletra ng diwa't bumabali ng pluma.
Tiyakin din na hindi nagbubulalas sa hangin
dahil kahit gaano man kaganda ng nagawang akda
baliw pa rin ang labas ninyo sa madla kung ito'y di naunawa.
Ikaapat, alamin ang kahulugan ng "manunulat"
tandaan ito'y sakripisyo at hindi benipisyo,
hindi lamang makapagsulat kundi makapagmulat.
Iwasan ipagmalaki na kayo'y magaling sumulat
sapagkat talento at kaisipan ay salat
kung sa uri ng lipunan ay hindi mulat.
Ikalima, itaas ang antas ng pagiging mapanuri
at dito matutukoy kung sino ang dapat paglingkuran.
Ang mapang-api o ang naaapi?
Bilang manunulat, ikaw ba'y mananatili sa gitna?
Taga-tanod pa man din ng karapatn ang taguri
at inaasahang boses ng mga pinutulan ng dila't naging pipi.
Mga sinaysay ay pahapyaw pa lamang ng mga dapat malaman
ng isang manunulat na handang magsakripisyo para sa pinaglilingkuran.
Sa mga manunulat, pag-aralan muli ang ating akda
at sa susunod sana ako'y mabigyan ng tuwa
dahil nasilaban ang apoy ng kanilang pang-unawa.
Sa ating mga mambabasa'y ibigay ang sapat at dapat;
ikumpas ang pluma ng paninindigan at pagmumulat!
mula sa onickroxas.multiply.com
isinulat bilang tugon sa mga binobrodkast ng mga manunulat ng isang iskul administrasyon ☺
No comments:
Post a Comment