Nais kong gumamit ng tintang pula
Sa mga isusulat kong iba’t-iba
Dahil na rin kapag pula ay kitang-kita
At alam agad na umiibig ang gumawa
Kapag ang tinta ay pula
Saan ba nakakahanap ng tintang pula?
Doon ba sa mga halaman sa malaking hacienda?
Na mula sa katas ng mga dahon at dagta
At nahaluan na ng dugo ng mga magsasaka
Kapag ang tinta ay pula
Saan ba nakakagamit ng tintang pula?
Marami ba ito sa may pabrika?
At hindi lang nagagamit ng mga manggagawa
Dahil ang mga dokumento’y papangit ang porma
Kapag ang tinta ay pula
Bakit nawawala ang tintang pula?
Bawal na ba ito sa aming opisina?
Hindi naman daw kasi ito ang kulay ng kompanya
At dala lang daw nito’y sakit sa mata
Kapag ang tinta ay pula
Bakit hindi ginagamit ang tintang pula?
Ayaw na ba ito ng mga mag-aaral sa Maynila?
Dahil sa klase’y itim dapat ang kulay ng letra
At may bawas sa gradong makukuha
Kapag ang tinta ay pula
Gayunpaman, tintang gagamitin ko’y pula
Dahil ito ang nakikitang gamit ng mga sumisigaw sa kalsada
Kakulay rin ng dugong inalay ng ating mga bayani upang makamit ang laya
Sumisimbulo ng tapang at pag-ibig sa bayan at kapwa
Kapag ang tinta ay pula
No comments:
Post a Comment