Ninais kong isulat ang lahat ukol sa kanya ngunit hindi kaya ng aking utak at memorya.
Ninais kong ibigay ang lahat ng aking galing sa pagsusulat ngunit hindi kaya ng aking pusong nagluluksa.
Ninais ko pa siyang manatili ngunit ang panahon ay hindi sapat.
Ninais ko siyang pasalamatan ngunit ang espasyo sa blog na ito ay kulang.
Ninais ko siya na kahit isang saglit ay mayakap ngunit hindi na ibibigay ng pagkakataon.
Ninais ko ang lahat para sa kanya ngunit alam kong ang mga bagay na iyon ay hanggang sa pagnanais na lamang.
Ngayon ang tanging nais ko na lamang na pupuno sa lahat ng aking ninanais para kay Papa ay ang pagbalik niya sa bahay ng Ama.
Ninais kong ibigay ang lahat ng aking galing sa pagsusulat ngunit hindi kaya ng aking pusong nagluluksa.
Ninais ko pa siyang manatili ngunit ang panahon ay hindi sapat.
Ninais ko siyang pasalamatan ngunit ang espasyo sa blog na ito ay kulang.
Ninais ko siya na kahit isang saglit ay mayakap ngunit hindi na ibibigay ng pagkakataon.
Ninais ko ang lahat para sa kanya ngunit alam kong ang mga bagay na iyon ay hanggang sa pagnanais na lamang.
Ngayon ang tanging nais ko na lamang na pupuno sa lahat ng aking ninanais para kay Papa ay ang pagbalik niya sa bahay ng Ama.
***
Ang lathalaing ito ay binigyang inspirasyon ng isang nanatatanging tao. Sa bawat tipa sa aking keyboard, patuloy na dumadaloy ang mga salitang pumapasok sa aking isip habang ang aking nadarama ay lungkot at hinagpis. Sa katotohanan, nangingilid pa nga ang mga luha sa aking mga mata habang isinasaletra ang mga bagay na idinidikta ng aking puso at isip.
Ang natatanging tao na aking tinutukoy ay ang nagparamdam sa akin ng sarap ng pagkakaroon ng isang mabait, responsable, maka-diyos, maka-tao at natatanging ama.
Sa halos 25 taon ng aking buhay, nasanay na ako na laging nariyan si Papa, naka-alalay at sumusuporta sa lahat ng landas na nais kong tahakin. Pero gaya ng isang aklat, lahat ay may katapusan, merong hindi kaaya-aya, malungkot, walang kwenta ngunit meron din namang kanais-nais, masaya at dakila. Masakit man tanggapin, halintulad sa isang aklat, narating na ng aking ama ang dulo ng kanyang pahina, ang buhay ng aking pinakakamahal na Papa ay umabot na sa wakas.
***
Kung si Papa ay isang aklat, isa ito sa paniguradong tatangkailikin ng mga mambabasa. Maraming makukuha at matutunan kasi sa kanya; na ngayon ay kahit paano aking isinasabuhay. Tapos sa kolehiyo ang aking ama sa Lyceum of the Philippines, gayunpaman, hindi ito naging sanhi ng pagkakaroon ng lebel sa kanyang buhay. Ang nais kong pakahulugan ay ang kawalan ng yabang o pagiging materyoso sa kapwa. Kahit kailan, nanatili siyang mapagkumbaba. Walang niyurakan na kapwa, bagkus siya pa ang nagpapalampas sa mga bagay-bagay na hindi kagandahan. Maaring may nakaaway siya pero ang mga kaaway na yun ay dahil na rin sa kasakiman nila at hindi ang aking Papa ang namantala. Marahil isa ito sa mga dahilan kaya ako masyadong galit sa mga taong mayayabang, ganid at kung makaasta eh parang hindi na sumasayad ang paa sa lupa. Hmp… kapag namatay ang isang tao, kapwa tao rin ang maglilibing sa kanya, isang malaking asa sa kanya kung makagawa siya ng sariling hukay at mailibing niya ang kanyang sarili.
Maganda rin ang buhay pag-ibig ng aking ama na nagdulot sa kanya ng tatlong anak. Ako bilang bunso ay kitado ang walang wagas na pag-ibig nya sa aking ina. Ayaw niya itong mag-alala at nanindigan na maging haligi para sa ilaw ng tahanan. Ang sweet nga nila lagi dahil sa kung saanman nais pumunta si Mama; kahit gano karami ang ginagawa ni Papa ay handa itong sumama. Naging magkasama at magkatuwang sila sa lahat ng bagay; mula sa paghubog sa aming magakakapatid para maging mga tunay na tao; pagsisilbi sa loob ng aming tahanan hanggang lumabas sa simbahan at komunidad.
Nong unang mga panahong hindi pa ako ipinapanganak (dahil sa medyo may edad na si Mama nung ipanganak ako); naging mapagkalinga at mapagbigay siya na ama sa aking dalawang kapatid. Tinaguyod niya ang aming pamilya sa sariling pawis at diskarte. Dahil tapos sa kolehiyo; ginamit niya ang ilan sa mga teorya ng akademiya sa pangongontrata. Bagama’t kalakasan ng woodcrafts sa Taytay; nakapagtayo siya ng negosyo na gumagawa ng kahit anumang bagay na ang pangunahing ginagamit na talento upang kumita ay pagkakarpentero. Isang magaling na karpentero rin si Papa na siya bilang may-ari at tagapangontrata ng woodworks business ay siya na rin ang karpentero. Gayunpaman, sa lahat ng mga nangontrata; kahit na napakaraming naging kliyente niya tulad ng mga pulitikong sina Singson, Abalos, Estrada, atbp. at ilang kompanya gaya ng Robinsons ay hindi naging ubod siya ng yaman. Ayos lang yun dahil napakita naman niya ang pagmamalasakit sa kapawa at kabaitan. Kapag malapit na ang deadline ng kontrata at malapit na itong madeliver; hindi siya tulad ng ilang boss na masyadong pressure ang ibinibigya sa trabahador; hahawak siya ng martilyo at siya mismo ang magkakarpentero; hehe live by example ika nga.
Maliit man ang pumapasok na pera, nagawa pa rin niyang makapagpundar ng pangangailangan ng aming pamilya, nakapagpagawa siya ng aming sariling bahay; nakabili ng mga pangunahing pangangailangan sa buhay at medyo kaunting pampasayang luho. Hindi rin niya nakaligtaang tumulong sa walo niyang kapatid at mga magulang. Siya bilang panganay; sa kabila ng pag-iintindi sa aming pamilya ay nagawang maging isang kuya sa lahat ng kanyang kapatid at kahit isa man sa kanila ay hindi niya nakaligtaang tulungan at protektahan. Hindi siya nawala bilang kuya na taga-ayos ng gusot ng kanyang mga kapatid sa panahon ng kagipitan at pangangailangan at hindi rin nakalimot na maging isang mapagkalingang anak sa kanyang mga magulang.
***
Hindi sa lahat ng pagakakataon ay masagana ang buhay. May mga pagkakataon na nagigipit; at iyon ay kadalasan pa nga ngunit sa kabila ng mga paahong ito; nakakaya pa rin ng aming pamilya ang mga pagsubok sa buhay. Wala man makain; nariyan pa rin siya; kahit asin at asukal ang ulam; hindi niya pinaranas na maging malungkot at mawalan ng pag-asa. Pinakita niya kailangan magpatuloy at harapin ang bukas ng may panibagong pag-asa at ilang ulit din namin nalampasan ang mga ganun dala na rin ng kanyang katatagan.
Nang tumuntong na ako sa elementarya; siya ang aking naging tagasundo at hatid as iskwela. Iaangkas niya ko sa bisekleta at sabay larga sa paaralan. Kapag dumating na ang uwian, nakaabang na siya sa pinto ng sild-aralan at diretsong hated sa bahay. Kapag medyo kumplikado na ang takdang-aralin at hindi na kaya ni Mama ang mga tanong; siya ang aking tagaturo. Dahil dun kahit paano naging consistent ako na honor.
Dahil na rin humihina ang pangongontrata sa Taytay; nung pagtungtong ko sa high school; pinasok ni Papa ang pag-aahente ng lupa. One time big time ang ganitong trabaho. Nakapundar kami ng iba’t-ibang uri ng sasakyan at nakapag-aral ako sa isa sa pinakamagandang paaralan sa Rizal; at sa tingin ko ay maging sa Pilipinas. Malaki ang naitulong ni Papa sa aking pag-aaral kaakibat na rin ang tulong mula sa aking ina at dalawang kapatid. Sa kabila ng aking pag-aaral sa hayskul ay pagsisimula ng kanyang sakit. Hindi ko lubos na nalaman kung bakit lagi silang lumuluwas dala ng FX at may pinupuntahan. Nakapagtapos na ko sa hayskul na hindi nalalaman ang dahilang iyon. Ang alam ko lang ay nagpapa-checkup si Papa sa doktor at may sakit ngunit hindi ko lubhang alam na cancer pala ito. Marahil sa ayaw na rin nila ako mag-alala at medyo bata pa ko nung mga panahong iyon.
Sa kabutihang palad, napagaling sa sakit si Papa sa pamamagitan ng Cobalt therapy. Patuloy na nagsakripisyo siya upang ako ay makapag-aral sa kolehiyo. Hindi ako pangkaraniwang estudyante na eskuwelahan-bahay. Ako ay naging isang lider-estudyante, punong patnugot ng student publication at numero unong tiga-kondena ng pagmamalabis ng mga edukador kapitalista sa karapatan ng bawat kabataan sa edukasyon. Sa kabila nito, alam natin dahil na rin sa hirap ng buhay, ang mga kabataang nalilinya sa ganitong gawain ay nahihirapan na makapagtapos dala sa pag-una sa paglaban para sa kapakanan ng kapwa mag-aaral imbes pag-aaral at panggigipit na rin ng mga admin ng paaralan. Ngunit sa kabila nito, hindi nawala ang tiwala ng aking ama sa aking kakayahan at patuloy pa rin ang kanyang pagsasakripisyo upang ako ay makatapos. Mas inuuna pa nga niya na mabigyan ako ng baon araw-araw kesa sa makakain niya sa meryenda.
***
Sa kabila ng maituturing na pangalawang buhay ni Papa; hindi siya nagpatumpit-tumpit. Sa pananalig at paninwala niya sa Diyos; ang makapangyarihan sa lahat; ang natatanging dakila niyang manggagamot; ginugol niya ang muling pagkakataon niyang mabuhay sa pagsisilbi sa Diyos at kapwa. Sa kasukdulan sa pagtiis na ako ay makatapos sa kolehiyo, kumapit siya at nagbigay ng lakas ng loob sa kanya ang matibay niyang pananampalataya. Sa kanyang paggaling sa cancer ay pinalitan niya ito ng serbisyo para sa lahat. Naging aktibo siya sa Gawain ng simbahan; naging chairman ng Rays of Hope Cursillo Movement; Cursillo barangay chairman at Lay Minister of the Word sa loob ng sampung taon. Hindi ko malilimutan ang kinagawian din nyang pag-aabot ng tulong sa mga nangangailangan tuwing Kapaskuhan; namimigay ang samahan niya sa cursillo ng mga pagkain at kaunting tulong sa mga maralita. Kahit sa ilang saglit na makita niyang ngumiti at may kainin na kahit iilan lamang mula sa kanilang ipinapamigay na noche Buena ang mga pamilyang napagbigyan nila ay ayos na sa kanya at napapawi rin kahit paano ang mga paghihirap nila.
Kaunting panahon na lang, isang semester na lang at tapos na ako sa kolehiyo ngunit natuklasan na bumalik ang cancer ni Papa. Ngunit nakuha pa niya itong itago sa pamilya dahil na rin sa iniisip na gastos naisaalang-alang din nya marahil na ilang buwan na rin lang naman ang titiisin at magkakaanak na siya na engineer. Natapos ako sa kolehiyo at saktong mga ilang buwan nung panahong iyon; natuklasan ng aking kuya na umuulit ang sakit ni Papa. Nilalabasan siya ng dugo sa ilong at dahil doon napilitan siya magpatingin muli.
At dahil nga ang cancer ay isang traydor na sakit; bumalik ito sa katawan ng aking Papa at ngayon sa pinakamataas na antas pa. Gumawa ng lahat ng posibleng paraan upang makahagulap ng pera at nagpagamot siya muli. Isang taon din ang tinagal ang gamutan para supilin ang cancer cells sa kanyang katawan. Sa pagkakataong iyon, radio therapy naman ang ginamit ng mga doctor nya. Matapos ang ilang taon; lumabas ang resulta ng matagal at mahirap na gamutan; halos natigang at labis na nangayayat ang dating matipunong katawan ni Papa; sa kabila nito, dismaya ang inabot ng pamilya dahil hindi naubos ang cancer cells nya sa katawan.
itutuloy at tatapusin ko pa po ito... medyo hindi ko na po kaya at tinamaan na ko ng antok...
SALAMAT PAPA!
tapusin mo na ito kasama...
ReplyDeletemabuhay ang iyong dakilang ama! dapat na siya ay ikarangal!
ganun po ba... hayaan mo Kabesang chorva... matatapos din ito sa takda at tamang panahon... antok pa ko eh... Salamat sa pagpupugay! ☺
ReplyDelete